dzme1530.ph

Kawalan ng political will ng alkalde ng Porac, Pampanga laban sa operasyon ng POGO, ikinadismaya

Dismayado si Sen. Sherwin Win Gatchalian sa pag-amin ni Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil na hindi nila pinasok ang POGO hub na pag-aari ng Lucky South 99 dahil sa takot na sila ay makasuhan.

Nagtataka si Gatchalian na bakit hindi ipinatupad ni Capil ang political will at ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan na makapasok sa POGO compound.

Ipinaalala ng senador na malawak ang kapangyarihan ng LGUs at maaari itong gamitin lalo na kung may pagdududa sa isang establisyemento.

Nagpahayag din ng pagtataka si Gatchalian kung bakit hindi itinuloy ng alkalde ang inspeksyon noong August 22, 2023 sa naturang POGO hub.

Iginiit ng senador na kung itinuloy ni Mayor Capil ang inspeksyon ay wala na sana silang pag-uusapan ngayon sa isyu sa human trafficking, kidnapping, money laundering, scamming, prostitution at iba pang krimen.

Idinagdag ni Gatchalian na dahil kabiguan ng lokal na pamahalaan na inspeksyunin ang lugar nagpatuloy ang mga iligal na gawain.

About The Author