dzme1530.ph

Katawan ng nawawalang tripulante ng barko, natagpuang lumulutang sa karagatang sakop ng Sorsogon

Natagpuan na ang walang buhay na katawan ng isang tripulante ng barko na palutang-lutang sa Port of Castilla sa Sorsogon dakong alas-2:15 ng hapon, ika-24 ng Mayo taong 2023.

Ang narekober na bangkay ay kinilalang si Joel P. Gallido, isang tripulante ng Tugboat Strong Integrity na kasalukuyang nakadaong sa nasabing pantalan.

Ayon sa report ni PPA security guard Ruben De Leon, Jr., ipinagbigay alam sa kanya ng isang Lutero Joseval kaninang umaga ang nawawalang kasamahan sa barko mula pa noong nagdaang gabi.

Ang katawan ni Gallido ay naiahon sa tulong ng PPA security personnel, mga kawani ng cargo handling operator, Coast Guard Sub-Station Castilla at ng mga kasamahan sa barko.

Agad namang dinala sa isang punerarya ang mga labi ni Gallido habang nagsasagawa ang mga otoridad ng imbestigasyon sa nasabing insidente. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author