Katamaran ng mga pulis ang iginigiit na dahilan ni Senador Raffy Tulfo sa pagkaka-ambush kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda.
Sa impormasyon, napatay si Alameda kasama ang limang iba pa nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin na nagtayo ng checkpoint sa lugar.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, iginiit ni Tulfo na posibleng agad na maaresto ang mga salarin kung nagpapatrolya lang ang mga pulis nang maayos.
Kasabay nito, sinita rin ni Tulfo si PNP Spokesperon Jean Fajardo makaraang sabihing walang pulis na sangkot sa pagpatay kay Alameda.
Pinagsabihan din ni Senador Bato dela Rosa ang Nueva Vizcaya Police na huwag basta pumapayag na may pumasok sa kanilang jurisdiction at mag-conduct ng check point.
Samantala, humiling ng executive session ang mga tauhan ng Nueva Vizcaya Police upang maisiwalat nila ang dahilan ng pagkakasama sa persons of interest ni Aparri, Cagayan Mayor Bryan Chan at kanyang mga tauhan sa pagkamatay ni Alameda.
Nakwestyon naman si Mayor Chan kung bakit sangkaterba ang bodyguard nito na pawang may mahahabang armas.
Sinabi ni Major Jefferson Mucay, chief of police ng Appari, matapos ang pagpatay kay Alameda ay naniniwala silang may threat na rin sa buhay ng alkalde kaya’t inaprubahan ang pagkakaloob ng dagdag na bodyguard.
Subalit sa pagtatanong ni Tulfo, inamin ni Chan na bago pa ang insidente ay mayroon na siyang mga bodyguard.
Sinabi ni dela Rosa na maituturing nang private army ito ng alkalde na kinunsinti naman ng pulisya kaya’t pinaalalahanan nito ang PNP na tiyaking nasusunod ang bawat proseso sa pagbibigay ng bodyguards sa mga opisyal. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News