dzme1530.ph

Kasong murder, isasampa na laban sa tinukoy na gunman sa pamamaslang sa radio broadcaster na si Cris Bunduquin

Sasampahan na ng kasong murder si Isabelo Lopez Bautista, ang tinukoy na gunman sa pamamaslang sa radio broadcaster sa Oriental Mindoro na si Cresenciano ‘Cris’ Bunduquin.

Ayon sa Presidential Task Force on Media Security, nag-abiso na ang “Special Investigation Task Group Bunduquin” at Oriental Mindoro provincial police kaugnay ng nakatakdang pagsasampa ng murder case.

Sinabi pa ni PTFORMS Executive Director Undersecretary Paul Gutierrez na nasa dalawang testigo ang nagsumite na ng affidavits na nag-kumpirma sa pagkakakilanlan ng suspek.

Kasabay nito’y tiniyak ng task force na hindi hihinto ang imbestigasyon kahit na maisampa na ang kaso, at titingnan ang lahat ng posibleng motibo at anggulo.

Hiniling na rin sa investigation task group ang pag-kumpleto sa case folder kabilang ang mga litrato o paglalarawan sa gunman upang mailabas na ito sa publiko.

Nananatili naman ang limampung libong pisong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa suspek para sa ikaa-aresto nito. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author