dzme1530.ph

Kasong digital vote buying posibleng isampa sa E-wallet operators na hindi susunod sa guidelines ng COMELEC

Binalaan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga electronic wallet operators na maaari silang makasuhan ng digital vote-buying kung hahayaan nila ang mga kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na gamitin ang kanilang apps para makabili ng boto.

Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, nakipag-ugnayan na sila sa e-wallet operators para ipaalala ang mga guidelines hinggil sa digital vote buying.

Inabisuhan rin ni Garcia ang mga ito na i-monitor ang mga may mataas na transaksyon lalo na sa araw ng halalan.

Bukod dito, pinayuhan din ang mga ito na obserbahan ang sinumang magpapadala ng pera sa 50 hanggang 200 katao sa isang araw.

Plano rin ng COMELEC na pumirma sa isang kasunduan kasama ang mga kumpaniya ng e-wallet kasunod ng unang pakikipag-ugnayan nila sa Anti-Money Laundering Council at Bangko Sentral ng Pilipinas para ma-monitor ang malakihang transaksyon sa pagpapadala ng pera online.

Sa kabila nito, suportado naman ng mga kumpaniya maging ng mga bangko ang mga hakbang na ito ng COMELEC upang matigil na ang vote buying. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author