Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga tinamataan ng leptospirosis at dengue sa bansa, sa gitna ng mga pagbaha at mga pag-ulan, ayon sa Department of Health.
Simula June 18 hanggang July 1, nakapagtala ang DOH ng 182 na mga bagong kaso ng nakamamatay subalit maiiwasang sakit na leptospirosis, mas mataas ito ng 42% kumpara sa 128 cases na nai-record noong June 4 hanggang 17.
As of July 15 naman ay mayroon nang 2,079 reported cases ng leptospirosis simula noong January 1, kabilang ang 225 na mga nasawi.
Samantala, nakapagtala naman ng 9,486 dengue cases sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo, na mas mataas din ng 16% kumpara sa sinundan nitong mga linggo.
Kabuuang 80,318 dengue cases na ang nai-record sa buong bansa, simula January 1 hanggang July 15, kabilang ang 299 na binawian ng buhay dahil sa sakit na dala ng kagat ng lamok. –sa panulat ni Lea Soriano