dzme1530.ph

Kasamang binatilyo ni Jemboy Baltazar, tumestigo na rin sa Senado

Tumestigo na rin sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang lalaking kasama ni Jemboy Baltazar nang pagbabarilin ng mga pulis sa Navotas City.

Ayon kay Sonny Boy Augustillo, naglilinis sila ni Jemboy ng bangka nang dumating ang mahigit 20 pulis na may kasama pang dalawang nakasuot ng SWAT uniform at saka sila pinaputukan.

Kinumpirma ni Sonny Boy na nang tumalon si Jemboy sa bangka ay may tama na ito ng bala at kahit nasa tubig na ito ay pinagbabaril pa rin siya ng mga pulis.

Itinanggi naman ni Sonny Boy ang pahayag ng team leader na si Police Captain Mark Joseph Carpio na bago ang pamamaril ay nilapitan sila ng mga pulis at sinabihang sumuko.

Kinumpirma rin ni Sonny Boy ang impormasyon na nang dalhin siya sa presinto ay sinaktan siya ng pulis habang kinukunan siya ng testimonya.

Sa salaysay ng testigo, tatlong beses siyang sinuntok nang malalakas ng isang miyembro ng Station Anti-Illegal Drugs Unit habang binantaan siya ni Police Staff Sgt. Gerry Maliban na kung hindi siya aamin hinggil sa mga nanghoholdap sa C-3 ay hindi na siya aabutan ng kanyang magulang.

Iginiit din ni Sonny Boy na inatasan siya ni Capt. Carpio na isama sa salaysay nito na mayroong baril si Jemboy na itinanggi naman ng pulis. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author