dzme1530.ph

KARAGDAGANG SHIPMENT NG LANGIS SA MGA SUSUNOD NA LINGGO NG ABRIL, KINUMPIRMA NG DOE

Loading

Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) na darating sa mga susunod na linggo ng Abril ang karagdagang shipment ng langis upang higit pang mapatatag ang suplay at matiyak na matutugunan ang pangangailangan ng bansa.

 

Ayon sa DOE, sa ilalim ng Executive Order No. 110, ipinatutupad ng ahensiya ang Emergency Energy Security Program upang mapanatili ang tuloy-tuloy na pagdating at maayos na distribusyon ng suplay ng langis, lalo na sa harap ng mga hamon sa pandaigdigang merkado.

 

Personal namang tinanggap ni Energy Secretary Sharon Garin sa Mabini, Batangas ang unang shipment na may kargang 142,000 bariles ng diesel, bilang bahagi ng pagpapatupad ng pamahalaan ng mga hakbang upang tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng langis sa bansa.

 

Ang shipment na ito ay bahagi ng kabuuang 1.042 milyong bariles na siniguro ng pamahalaan sa ilalim ng tuloy-tuloy na pagmamonitor at agarang pagtugon sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya.

About The Author