Dinagdagan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isinampang asunto laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo makaraang matuklasan, na hindi niya pirma ang nakalagay sa kanyang notarized counter-affidavit.
Sa press conference, sinabi ni NBI Dir. Jaime Santiago na reklamong falsification by a notary public, use of falsified documents, perjury, at obstruction of justice ang inihain laban kay Guo, gayundin kay Atty. Elmer Galicia na nag-notaryo ng kanyang counter affidavit, at tatlo pang indibidwal.
Inihayag ni NBI Task Force Alice Guo Head Agent Palmer Mallari na batay sa resulta ng pagsusuri, hindi pinirmahan ng dating alkalde ang kanyang counter-affidavit taliwas sa testimonya niya sa Senate hearing noong Sept. 17.
Una nang inamin ni Galicia na hindi personal na nanumpa sa kanya si Guo nang ipanotaryo nito ang counter-affidavit na siyang itinatakda ng batas.
Si Guo ay nahaharap sa kasong Qualified Human Trafficking sa Pasig Court, Graft case sa Valenzuela Court, at Tax evasion complaint, pati na 87 counts ng Money Laundering sa Department of Justice. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera