Ipinag-utos ng mababang hukuman na ilipat na sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang inmate na si Jose Adrian Dera, kapwa akusado ni datíng Senador Leila De Lima sa kaso ng iligal na droga.
Sa dalawang-pahinang order ni Judge Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa City RTC Branch 204, kinatigan ng hukuman ang mosyon ng NBI na mailipat ng piitan si Dera.
Inatasan ng hukom ang chief ng Security Management Section ng NBI na si Agent Roel Jovenir na dalhin si Dera sa Muntinlupa City Jail Male Dormitory, habang nakabinbin ang kinakaharap na kaso sa korte.
Iniutos din ni Alcantara na agad i-report sa hukom patungkol sa eksaktong oras at petsa na mailipat si Dera sa BJMP facility.
Una rito ay dumulog sa Office of the Court Administrator ng Korte Suprema ang NBI upang payagan na mailipat ng piitan Dera.
Kamakailan ay naging laman ng balita si Dera matapos mabunyag ang paglabas-pasok sa NBI facility kasama ang ilang security personnel. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News