dzme1530.ph

Kapatid ni Michael Yang, inaresto sa NAIA

Inaresto ng mga awtoridad ang nakatatandang kapatid ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang na si Yang Jian Xin o Tony Yang, sa bisa ng mission order bilang undesirable alien.

Ayon sa Bureau of Immigration at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), dinakip si Tony Yang Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa Quad Comm hearing, kahapon, una nang inanunsyo ni Laguna Rep. Dan Fernandez, ang pagkaka-aresto sa nakatatandang Yang bunsod aniya sa paglabag nito sa Immigration Law, dahil batay sa korporasyon na inihain nito sa Securities and Exchange Commission, nagmamay-ari ito ng passport na may pangalang Antonio Lim.

Inihayag din ni Fernandez na ang residential address ni Antonio Lim sa Cagayan De Oro City ay kapareho ng kay Tony yang na sangkot din sa rice importation sa pamamagitan ng kumpanya nitong Yangze Rice Mill.

Ang magkapatid na Yang ay kapwa iniuugnay sa Illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News, sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author