Bagama’t kinikilala ni Sen. Grace Poe ang April 30 deadline para sa PUV consolidation, iginiit nito na kailangan pa ring matiyak na hindi lubhang mahihihrapan ang mga commuter sa gitna ng matinding init ng panahon.
Reaksyon ito ni Poe sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na palalawigin pa ang consolidation para sa PUV modernization program.
Sinabi ni Poe na kailangang matukoy kung naging produktibo ang huling tatlong buwan extension at kung nagkaroon ng makabuluhang dayalogo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga driver at operator upang matulungan sila sa programa.
Nais ding matukoy ng senador kung naresolba na ang pangamba ng mga driver at operator sa mga posibleng loan at iba pang aspetong pinansyal ng programa.
Umaasa rin si Poe na ilalabas ng LTFRB ang talaan ng mga ruta na mayroon at walang consolidated jeepneys bago pa ang deadline.
Inaabangan din ng mambabatas ang pinal na ruling ng Korte Suprema sa apela ng mga transport groups upang maging malinaw ang mga hakbanging ipatutupad ng bawat ahensya ng gobyerno.