Pinabubusisi ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera sa kamara ang umano’y kakapusan ng plastic identification cards ng Land Transportation Office (LTO) para sa driver’s license.
Isinulong ni Herrera ang isang resolusyon na layuning imbestigahan ang kakulangan at kapalpakan na nagresulta sa pagbagal ng pag-iisyu ng lisensya.
Binigyang diin ng mambabatas na mahalagang malaman kung saan at kailan nagkaroon ng kapabayaan sa proseso ng pagbili ng plastic identification cards dahil habang nagtatagal aniya ay dumarami ang reklamo tungkol dito.
Ani Herrera sa oras na aprubahan ng kapulungan ang kanyang panukala ay ipatatawag ang ilang kinatawan muna sa LTO at DOTr upang makapaglatag ng pagbabago sa procurement process upang tuldukan ang baluktot na sistemang nagpapatagal sa proseso at para na rin maparusahan ang sinumang may sala. —sa panulat ni Jam Tarrayo