Tinawag na “walang silbi” ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo ang Office of Civil Defense (OCD), dahil sa kapabayaan nito kaya nangyari ang malagim na landslide sa Davao De Oro.
Sa hearing ng House Committee on Disaster Resilience ukol sa landslides sa Maco, Davao De Oro na ikinamatay ng 98 indibidwal, sinabi ni Tulfo na napigilan sana ang trahedya kung umaksyon ng tama ang OCD at lokal na pamahalaan.
Sa sumbong ng mga indigenous people, maraming insidente ng pagguho ng lupa ang naganap bago pa man ang pinaka huling trahedya.
Nagkaroon umano ng serye ng landslides noong January 12 at 13, at Marso 2023 sa isang barangay, na nasundan uli ng tatlong pagguho nito lamang Enero at isa ang namatay.
Ang masaklap nito, inamin ni Maco Mayor Voltair Rimando at Warren Lucas ng OCD Operations Service na hindi nakarating sa kanila ang ulat at tanging ang Mines and Geosciences Bureau lamang ang nasabihan.
Ikinadismaya naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang sagot ng OCD na nakatatanggap lamang sila ng report kapag sampu o higit pa ang namamatay.