![]()
Umapela ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na baligtarin ang kanilang ruling na nagpatibay sa hurisdiksyon ng tribunal laban sa dating Pangulo.
Sa apat na pahinang notice of appeal na may petsang Oktubre 28, iginiit ng kampo ni Duterte sa Appeals Chamber na walang legal na basehan para ipagpatuloy ang proceedings laban sa dating Pangulo.
Hiniling din ng defense team sa Chamber na ipag-utos ang agarang at walang kondisyong pagpapalaya kay Duterte.
Ito ay matapos ibasura ng Pre-Trial Chamber ang petisyon ng depensa na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ICC, kabilang na ang kahilingan nitong ipagpaliban ang paglalabas ng desisyon sa naturang usapin.
Si Duterte ay kinasuhan ng ICC Prosecutor ng 49 incidents ng murder at attempted murder na umano’y naganap sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City at bilang Pangulo ng Pilipinas, bagaman mas malaki pa umano rito ang bilang ng mga biktima ng kanyang madugong war on drugs.
