Umapela ang kampo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na bawiin ang suspension order ng Office of the Ombudsman sa kanya, sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa pagkakaugnay niya sa umano’y iligal na operasyon ng POGO sa kanyang nasasakupan.
Inihain ng mga abogado ni Guo na sina Stephen David, Nicole Jamilla, at Lorelei Santos sa Ombudsman ang motion for reconsideration at urgent motion para bawiin ang preventive suspension laban sa kanilang kliyente.
Tinukoy ng legal team ni Guo sa kanilang motions ang kawalan umano ng matibay na ebidensya sa mga reklamong isinampa ng Department of the Interior and Local Government laban sa suspendidong alkalde.
Umaasa si David na babawiin ng Ombudsman ang anim na buwang suspensyon na masyado aniyang mahaba para sa isang kaso na hindi naman matibay ang ebidensya, kasabay ng paggiit na lehitimo ang POGO kaya karapatan nitong maisyuhan ng permit.