dzme1530.ph

Kampanya laban sa mga rice hoarders at smugglers, ‘di dapat tapusin sa raid sa kanilang mga warehouse 

Hinamon ni Senador Chiz Escudero ang Bureau of Customs (BOC) na agad sampahan ng kaso at papanagutin ang mga negosyanteng hinihinalang sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas na nagiging dahilan ng artificial shortage at pagtaas ng presyo nito sa mga nakalipas na buwan.

Kasabay nito, kinalampag din ni Escudero ang BOC sa kabiguan nilang isapubliko ang pangalan ng traders at operators na ni-raid ang mga warehouse dahil sa pagtatago ng tone-toneladang smuggled na bigas.

Nagtataka si Escudero kung bakit sa dami na nang ginawang raids ay wala pang kasong isinasampa sa mga taong sangkot sa iligal na aktibidad.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang kasuhan ang mga nananabotahe ng ekonomiya upang magsilbing babala na seryoso ang gobyerno sa kampanya laban sa smugglers at hoarders at hindi dapat natatapos sa pag-raid lamang.

Tinukoy ng mambabatas ang pagkakasabat ng BOC-Port of Zamboanga ng 42,180 na sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42-M sa Barangay San Jose Gusu makaraang madiskubre na hindi ito saklaw ng sanitary at phytosanitary import clearance mula sa Bureau of Plant Industry.

Tatlong warehouses din ang ininspeksyon ng BOC sa Bulacan at natuklasan ang hinihinalang smuggled imported rice na nagkakahalaga ng P505-M.

Sa ngalan anya ng transparency, tungkulin ng administrasyon na i-update ang publiko sa development ng mga kasong ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author