Walang nakikitang legal na balakid ang Kamara kung sakaling pagtibayin ang House Bill No. 4058 o ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) lagpas sa itinakdang legislative calendar.
Ayon kay Bataan Rep. Albert Garcia, senior vice chair ng House Committee on Appropriations, may abiso na sila sa Senado na sa October 13 pa maisasalang sa third and final reading ang 2026 GAB na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon.
Sa revised legislative calendar, hiniling ng Kamara na ilipat sa October 10 ang adjournment mula sa dating October 3, dahil naantala ang pagtalakay sa National Expenditure Program matapos na i-revised ng DPWH ang kanilang budget.
Tinanggap naman ito ng Senado at inabisuhan ang mga senador na October 10 isasagawa ang second reading at October 13 naman ang third and final reading.
Salig din umano sa rules ng dalawang kapulungan, may 3-days period pa sila matapos ang 2nd reading kaya pasok pa ang Oct 13 na itinakda.