Magsasagawa ng technical rehearsal sa House of Representatives ngayong araw bilang bahagi ng paghahanda para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Simula kahapon hanggang sa Linggo ay naka-lockdown ang Batasang Pambansa Complex, upang matiyak ang seguridad para sa SONA ng pangulo sa Lunes, July 24.
Sinabi ni Velasco na muling magsasagawa ng inspeksyon, hindi lamang sa ilalatag na seguridad kundi maging sa lahat ng kagamitan, at personnel.
Magkakaroon din aniya ng simulation exercises, at itotodo nila ang paghahanda hanggang sa linggo upang pagsapit ng Lunes ay magiging perpekto ang lugar, maging ang personnel.
Idinagdag ni Velasco na bukod sa SONA ay pinaghahandaan din ng Kamara ang pabubukas ng ikalawang regular session ng 19th Congress, sa ganap na alas-10:00 ng umaga sa Lunes. —sa panulat ni Lea Soriano