Pormal na ring inihain sa Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, ang counter-part resolution sa Senado na RBH No. 6 para amyendahan ang 1987 Philippine Constitution.
Sina House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Dalipe, Jr., at Deputy Speaker David Suarez ang nanguna sa paghahain.
Gaya sa Senado, nakasentro din sa tatlong Economic provision o Sections 12, 14 at 16 ang RBH No. 7 kabilang ang Public Service Act na kinukwestiyon sa Korte Suprema.
Umaasa naman si Nacionalista Party Stalwart Congressman Robert Ace Barbers na mapapawi na ang agam-agam na mapasok sa gagawing pag-amyenda ang political provisions.
Posible namang i-constitute ang Kamara bilang Committee of the Whole para mas maging mabilis at komprehensibo ang pagtalakay nila sa RBH No. 7 hindi gaya sa Senado na idinaan muna sa Sub-committee bago iakyat sa Mother committee hanggang sa makarating sa Plenary.
Suportado rin ng malalaking partido politikal ang RBH No. 7 gaya ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), National Unity Party (NUP), Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), at Party-list groups sa pangunguna ng Tingog Sinirangan Party.