dzme1530.ph

Kamara, obligadong tugunan ang inilabas na kautusan ng impeachment court kaugnay sa articles of impeachment laban kay VP Sara

Loading

Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na may hurisdiksyon pa rin ang Senado bilang Impeachment Court sa articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa kabila ng pagpapabalik nila ng reklamo sa Kamara.

Kasabay nito, iginiit ni Escudero na obligasyon ng Kamara na tugunan ang mga kautusang inilabas ng impeachment court kaugnay sa articles of impeachment laban kay VP Sara.

Ito ang binigyang-diin ni Escudero kaugnay sa inaprubahan nilang motion na ibalik sa Kamara ang articles of impeachment at atasan silang magsumite ng certification na hindi sila lumalabag sa one year ban kaugnay sa paghahain ng impeachment complaint at hiwalay na komunikasyon kung interesado pa ang 20th Congress na isulong ang proseso.

Ipinaliwanag ni Escudero na sa proseso ng impeachment, hindi magkapantay ang Senado at Kamara dahil ang Senado ay tumatayong korte habang ang mga kongresista ay prosecution.

Kaya, wala aniya sa lugar ang Kamara na hindi sumunod sa utos ng Impeachment Court.

Sinabi ni Escudero na ang maaaring gawin ng Kamara ay magpasa ng resolution at ipapaloob ito sa isang pleading na isusumite sa Impeachment Court bilang compliance sa kautusan ng Impeachment Court.

Aminado naman ang senate leader na magagawa ng Kamara ang lahat ng ito pagpasok na ng 20th Congress dahil ioorganize pa nila ang kanilang liderato.

Kasabay nito, dinipensahan ni Escudero ang pagsusulong ni Sen. Ronald Bato dela Rosa ng mosyon na idismiss ang verified complaint sa pagsasabing hindi niya maaaring itali ang kamay ng mga senator judges sa kung ano lamang ang dapat at hindi dapat sabihin kaugnay sa trial.

About The Author