Nanawagan si Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito sa Kamara na pabilisin ang bersyon nito sa panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act kasunod ng unanimous approval ng Senado sa Senate Bill 2620 sa ikatlo at huling pagbasa nito.
Umaasa naman si Ejercito na maipapasa ng Kamara ang kanilang bersyon sa pag-amyenda sa UHC law bago matapos ang taon.
Umaasa rin si Ejercito na magkakasundo sila ng House sa bicameral upang bigyan daan ang pagsasabatas ng panukalang batas.
Binigyang-diin ni Ejercito na kritikal ang panukala para sa pagsisimula ng mga kagyat na reporma na kailangan para sa PhilHealth na magtitiyak na ito ay maayos na pinondohan at pinamamahalaan nang mahusay, upang ang mga serbisyong pangkalusugan ay maihatid nang walang pagkaantala.
Ipinunto din ng senador na ang panukalang batas ay kabilang sa mga priority bill na tinukoy ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), na binibigyang-diin ang kahalagahan nito sa pangako ng administrasyong Marcos sa pagpapahusay ng mga serbisyo sa pampublikong kalusugan.
Dagdag pa ni Ejercito na hindi na kayang maghintay pa para sa mga reporma na magbibigay sa mamamayan ng mga serbisyong pangkalusugan na nararapat sa kanila.
Ito aniya ay hindi lamang isang priyoridad, kundi ito ay isang pangangailangan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News