Hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga kapwa mambabatas sa Kamara na talakayin at aprubahan na rin ang legislated wage hike bill sa kanilang kapulungan.
Ito anya ay bilang tugon na rin sa panawagan ng labor sector.
Kahapon ay inaprubahan na ng Senado sa 3rd and final reading ang P100 daily minimum wage hike bill.
Iginiit ni Zubiri na hindi na sapat sa mga gastusin ang kasalukuyang tinatanggap na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ipinaalala pa ng senate leader na sa Indonesia at Malaysia, itinaas na sa P700 hanggang P785 ang daily minimum wage.
Iginiit naman ni Sen. Bong Revilla na sa pagpasa nila ng legislated wage hike ay malinaw ang pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga manggagawa para sa maayos na kinabukasan.
Nangako si Revilla na patuloy na ipaglalaban ang patas na trato at disenteng kondisyon sa trabaho, at maka-taong sahod para sa mga obrero.