Nagkasundo ang House of Representative, Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) para sa maayos na koordinasyon sa layuning mapababa ang presyo ng pagkain.
Sa pulong nina House Speaker Ferdinand “Martin” Romualdez, Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel, at NIA Administrator Eduardo Guillen, nagkasundo ang tatlo na magtutulungan para maibaba agad ang presyo ng bigas.
Sa panig ni Romualdez siniguro nito ang sapat na budget ng DA at NIA para magawa ang planong pagpapababa sa presyo.
Ayon naman kay Sec. Laurel, kayang ibenta sa halagang 29-pesos per kilo ang bigas sa mga Kadiwa outlets sa pamamagitan ng National Food Authority kung maaamyendahan ang Rice Tariffication Law.
Positibo rin si NIA Administrator Guillen na makakamit ng Marcos administration ang self-sufficiency dahil sa mga bagong programa gaya ng pagbabago sa ‘cropping calendar’ na tiyak magpapataas sa produksyon.
Bagama’t nangako ng suporta titiyakin naman ni Romualdez na tama ang paggamit sa pondo ng bawat ahensiya gaya ng panawagan nito sa Food and Drug Administration na bumili ng mga vaccines para masawata ang problema sa African Swine Fever (ASF).
Nilinaw din ni Laurel na sa mga Kadiwa outlets, LGU at DSWD lamang mabibili ang 29 pesos per kilo ng bigas na inaasahang mangyayari sa buwan ng Hulyo.