dzme1530.ph

Kalagayan ng media, patuloy na bumubuti sa ilalim ng Marcos administration

Patuloy na bumubuti ang kalagayan ng mga mamamahayag mula 1986.

Ito ang ipinunto ni Undersecretary at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez sa kauna-unahang pulong ng ahensya sa ilalim ng Marcos administration kasama ang mga ahensiya ng pamahalaan at media partners.

Ayon kay Gutierrez, sa 202 kasong na-imbentaryo ng PTFoMS, kalahati o 101 ang nalutas na.

Nakapokus din aniya ngayon ang ahensiya sa 72 aktibong kaso kabilang ang 57 ongoing cases at 17 hindi pa nalulutas at ang pagdakip sa mga nakalalaya pang mga akusado sa 2009 Maguindanao massacre.

Kasama aniya sa naresolba ang 24 na kaso na may kinalaman sa trabaho bilang mamamahayag at 77 na walang kinalaman work-related.

Samantala, binigyang-pansin naman ni PCO Secretary Cheloy Garafil ang nalutas na apat na kaso ng pag-atake sa media sa ilalim ng Marcos administration na nagresulta sa pagkakapaslang sa tatlong biktima at pagkasugat ng iba pa.

Dumalo sa naturang pulong ang KBP, NPC, Philippine Press Institute, Publishers Association of the Philippines at ang Asian Institute for Journalism and Communication.

Tanging mga kinatawan naman mula sa National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility ang hindi nakadalo sa pulong.

Ang PTFoMS ay binubuo ng mga pinuno ng DOJ, PCO, DND, AFP, DILG, PNP, OSG, Presidential Human Rights Committee, Ombudsman, at Commission on Human Rights bilang observers. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author