dzme1530.ph

Kakulangan ng classrooms sa bansa, nangangailangan ng P397-B

Nasa P397-B ang pondong kailangan ng Department of Education (DepEd) upang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education kaugnay sa kahandaan ng mg paaralan sa pagbubukas ng klase, sinabi DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, nasa 159,000 ang kailangang classrooms sa buong bansa upang matugunan ang ideal na ratio ng dami ng mga estudyante sa bawat silid-aralan.

Gayunman, sinabi ni Bringas sa proposed 2024 budget ng DepEd, nasa P10-B lamang ang inilaang pondo para sa konstruksyon ng mga classrooms.

Kinumpirma rin ni Bringas na ngayong taon, P10-B din ang inilaang pondo para sa mga classrooms kung saan umabot sa 7,100 na silid-aralan ang nabuo.

Sa datos naman na ipinakita ni Committee chairman Sherwin Gatchalian, lumitaw na 32% ng mga classroom sa para sa Kinder hanggang Grade 6 ang maituturing na congested o hindi tumutugon sa ideal ratio na 1:32 students; 41% naman sa high school ang congested habang 50% sa senior high school.

Dahil naman dito, sinabi ni Bringas na ilang mga paaralan ang nagpapatupad ng hanggang tatlong shifts habang ang iba ay 2 shifts.

Bukod sa classrooms, kinumpirma ng opisyal na nananatiling problema pa rin ng DepEd ang kakapusan ng mga guro kahit taun-taon ay mayroon silang 10,000 slots para sa mga bagong titser. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author