Sa gitna ng inaasahang pagpapatupad ng revised Senior High School (SHS) curriculum, umaasa si Sen. Sherwin Gatchalian na mapapaigting ang kahandaan ng SHS graduates pagdating sa trabaho.
Una nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na ipapatupad ang revised SHS curriculum simula School Year 2025-2026.
Sa ilalim ng bagong curriculum, babawasan ang core subjects at magkakaroon ng kalayaan ang mga paaralang mag-aalok ng mga elective upang mas makapamili ang mga mag-aaral ng subjects para sa kanilang specialization.
Isinusulong naman ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act na layong iangat ang kahandaan ng mga SHS graduates pagdating sa trabaho.
Sa ilalim ng panukala, patatatagin ang ugnayan sa pagitan ng curricular offerings ng mga paaralan, work immersion component ng SHS, at mga market needs na tutukuyin ng mga katuwang sa industriya at mga ahensya ng gobyerno.
Nakasaad sa Batang Magaling Act ang paglikha ng National Batang Magaling Council na patatatagin ang ugnayan sa pagitan ng SHS curriculum at pangangailangan ng mga industriya.
Sa ilalim ng Batang Magaling Act, layon ni Gatchalian na maging institutionalized ang mga libreng assessment para sa mga SHS graduates.
Mahalaga anyang matupad ang pangako ng K to 12 na maging handa sa trabaho ang mga magtatapos nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News