Kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand, pinagre-report ngayon ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano sa Kongreso ang national gov’t para sa kahandaan ng bansa sa ‘The Big One.”
Ayon kay Valeriano chairman ng Committee on Metro-Manila Dev’t, ang Marikina Valley Fault at Manila Trench ay seryosong banta sa Metro Manila, at pinangangambahang magiging susi ng ‘The Big One.’
Dahil dito tinatanong ngayon ng mambabatas sa NDRRMC, MMDA, DOST, PHILVOLCS, DHSUD, DOF at iba pang ahensiya, kung gaano na kahanda ang bansa.
Pangunahing kinatatakutan ni Valeriano ay ang Tsunami risks na lilikhain ng malakas na lindol, lalo na mga lugar ng BASECO, port area at mga distrito sa east at Roxas Boulevard sakaling gumalaw ang Manila Trench.
Habang nasa panganib naman ang mga residente sa kahabaan ng Pasig River, Marikina River at Laguna de Bay kapag gumalaw ang Marikina Valley fault line.
Sa paniwala ng kongresista hindi pa sapat ang pinagtibay na Ligtas Pinoy Centers Act, kaya mas mabuti kung ilalahad ng national gov’t sa Kongreso ang mga paghahandang ginagawa at kung nasaang lebel na ito.