dzme1530.ph

Kahandaan ng bansa sa El Nino, nais busisiin sa Senado

Nais busisiin ni Senador Win Gatchalian ang kahandaan ng gobyerno laban sa El Niño phenomenon na posibleng magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.

Ayon sa senador, mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ang nagpahayag ng kahalagahan ng pagtugon sa epekto ng El Niño.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA na kumikilos na ang gobyerno para labanan ito at isa sa mga nakikitang hakbang ang pagsasagawa ng cloud seeding.

Sa kanyang Senate Resolution 691, tinukoy ni Gatchalian na posibleng mapataas ng El Niño ang antas ng kahirapan kung isasaalang-alang ang epekto sa presyo ng mga bilihin dahil sa posibilidad nang pagbaba ng produksyon ng pagkain bukod pa sa presyo ng kuryente.

May agaran anyang pangangailangan na malaman ang kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno at matukoy ang mga plano upang labanan ang epekto ng El Niño dahil dapat handa ang lahat sa posibleng masamang epekto nito sa pagkain, enerhiya, at seguridad sa ekonomiya ng bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author