dzme1530.ph

Kahalagahan ng rainwater harvesting facilities, inilatag sa Senado

Binigyang-diin ni Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla, Jr. ang kahalagahan ng rainwater harvesting bilang isa sa epektibong solusyon sa pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ipinaliwanag ni Revilla na ang rainwater harvesting facilities na ilalagay sa mga bagong development projects ay tutulong para matiyak ang sapat na suplay ng tubig sa maraming lugar.

Magsisilbi rin itong temporary catchments upang maiwasan ang sobra-sobrang apaw ng tubig kapag tag-ulan at maiwasan ang pagbaha.

Sinabi ng senador na naniniwala siyang malaki ang maitutulong ng rainwater harvesting facilities para magkaroon ng ipunan ng tubig sa mga lugar na may kakulangan sa tubig.

Makakatulong din anya ito sa pagtugon sa problema natin sa baha dahil mababawasan ang tubig-ulan na direstong dadaloy sa mga drainages at nagdudulot ng pagbaha.

Sa kanyang Senate Bill No. 990, ang lahat ng project developers na ang project area ay mahigit 100 square meters ay obligadong maglagay ng rain harvesting facility.

Ang project developers naman ng proposed commercial, industrial, at residential development o residential multi-dwelling units na may land area na mahigit 1,000 square meters ay dapat magsumite ng Rainwater Management Plan (RMP) bilang bahagi ng site development application at approval process.

Sa pahayag ng DPWH, sa ngayon ang Rainwater Collection System (RWCS) Project ay para sa public schools. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author