Pina-plano ng Dep’t of Agriculture na buksan ang Kadiwa stores para sa franchising.
Sa Malacañang Insider program, inihayag ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na sa ilalim ng Kadiwa franchise, maaaring gamitin ng pribadong sektor o mga kooperatiba ang pangalan ng Kadiwa sa mga itatayong tindahan.
Layunin umano nitong matiyak ang presensya ng Kadiwa outlets sa iba’t ibang panig ng bansa, para sa abot-kayang presyo ng mga pagkain.
Sa pamamagitan nito ay hindi na rin umano mahihirapan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto dahil mas darami pa ang kanilang buyers.
Gayunman, sinabi ni Laurel na magtatakda sila ng mga panuntunan at patakaran sa planong Kadiwa franchising.
Samantala, target din ng DA na makapagtatag ng 800 hanggang 1,000 permanenteng Kadiwa stores sa bansa sa susunod na apat na taon.