Palalawakin na sa buong bansa ang Kadiwa ng Pangulo kung saan ibinebenta sa mas murang halaga ang mga produktong direktang nanggaling sa mga magsasaka.
Sa seremonya sa kapitolyo ng Pampanga sa San Fernando City, sinaksihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paglagda sa Memorandum of Agreement kaugnay ng pagtatatag ng kadiwa sa lahat ng lokal na pamahalaan sa bansa.
Kasamang lumagda sa memorandum sina Department of the Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual, Department of Labor and Employment Sec. Bienvenido Laguesma, Department of Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian, gayundin si Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil.
Sa ilalim ng MOA, pangangasiwaan ng mga kaukulang ahensya ang kadiwa sa kada kinsenas at katapusan ng buwan.
Lumahok naman sa paglulunsad ng Nationwide Kadiwa ang lahat ng 81 lalawigan sa bansa at 16 na lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na upang mapalakas ang kadiwa ay kailangan ‘ding palakasin ang produksyon ng mga magsasaka.
Kaugnay dito, nagtutulungan na umano ang mga kaukulang ahensya upang masolusyonan ang mga balakid sa produksyon tulad ng spoilage o pagkasira at pagkasayang ng mga isda, African swine fever at avian flu, at iba pang hamon.
Samantala, bukod sa kadiwa ay pinangunahan din ng pangulo ang pamamahagi ng iba’t ibang government assistance sa Pampanga. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News