dzme1530.ph

Kabiguang mapunan ang target na medical scholars, kinuwestyon sa Senado

Kinuwestyon ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Commission on Higher Education (CHEd) sa kabiguang mapunan ang target scholars sa ilalim ng “Doktor Para sa Bayan”.

Sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2024 budget ng CHED, pinuna ni Villanueva ang datos noong isang taon kung saan naglaan ang komisyon ng 900 slots at P250-M na alokasyon para sa medical scholarship ngunit 425 lamang dito o P117-M, katumbas ng 47%, ang napunan o nagamit habang P89-M o 35% ang na-disbursed.

Subalit, ikinagulat ni Villanueva na sa proposed budget para sa susunod na taon ay doble ang target na scholars ngunit pareho lamang ang alokasyon.

Natatakot ang senador na dahil dito ay ibaba ang per capita cost sa bawat scholar.

Ipinaliwanag naman ni CHED Chairman Prospero de Vera na marami sa mga medical school na nagbukas ay limitado lamang sa isang section.

Katunayan aniya, pinakahuli ang Palawan State University na tumanggap lamang ng 30 medical scholars bunsod ng maliit na pasilidad at hindi sapat na bilang ng faculty members.

Inihayag din ni de Vera na may mga pribadong unibersidad na rin silang partner para sa implementasyon ng “Doktor Para sa Bayan Law” subalit mababa rin ang intake dahil atubili ang iba sa return service requirement.

Gayunman, ipinangako ni de Vera na mas magiging agresibo ang ahensya sa promosyon ng medical scholarship upang mapataas pa ang bilang ng medical practitioner sa bansa.

Tiniyak din ng opisyal na pag-aaralan nila ang mga pending na aplikasyon ng mga unibersidad para magkaroon ng medical schools partikular sa Regions 3, Cordillera Administrative Region at CARAGA. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author