Nagtataka si Senador Chiz Escudero kung bakit hindi pa rin nakakapaghain ng kaso ang Bureau of Customs (BOC) laban sa mga nasa likod ng mga ni-raid na bodega ng bigas sa mga nakalipas na linggo.
Sa gitna ito ng panawagan ng senador na sampahan na agad ng kasong kriminal ang mga hoarders at smugglers ng bigas na dahilan ng patuloy na pagtaas ng presyo nito.
Sinabi ni Escudero na imposible namang may nangyaring krimen subalit walang kriminal na dapat managot.
Kung tutuusin anya ay magtatatlong linggo na ang nakalipas simula nang magsagawa ng sunud-sunod na pagsalakay sa mga warehouse kung saan nasabat ang mga hinihinalang smuggled rice ngunit wala pa ring naihahaing kaso.
Kahit mga pangalan anya ng mga sinasabing smuggler at hoarder ay walang inilalabas ang mga awtoridad habang nagsimula na anya ang pamamahagi ng mga nakumpiskang smuggled rice.
Sinabi ng mambabatas na ang pamamahagi ng mga bigas ay katunayan na matibay ang ebidensyang illegal ang mga ito kaya labis na nakapagtataka na wala pa ring mga pangalan ang mga kriminal at hindi pa rin nasasampahan ng kaso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News