dzme1530.ph

Kabataan, hinimok na huwag lang sa keyboard ipakita ang tapang!

Muling iginiit ni Senador Robin Padilla ang pangangailangan ng disiplina at kahandaan dulot ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa pagtatanggol sa bayan, lalo na laban sa dayuhang mananakop.

Sa gitna ito ng babala ni Padilla na posibleng madamay ang Pilipinas sa tensyon sa Asya at ibang bahagi ng mundo, kung kaya’t dapat handa at organisado ang mamamayan, lalo na ang kabataan.

Umaasa si Padilla na darating ang araw na ang mga kabataan na matapang ay hindi lang sa keyboard kundi handang ipaglaban ang bansa at ating teritoryo.

Binigyang-diin ng senador na walang masama sa taong handa at ang pinakapalpak sa lahat ng tao yung hindi handa.

Ngayon anya ang panahon na may mga pagbabago sa daigdig, kasama ang giyera sa Ukraine at ang gusot sa Taiwan.

Sinabi ni Padilla na habang naghahanda ang ibang bansa katulad ng South Korea at Singapore na may mandatory military service sa mga mamamayan, hindi naman ito ipinatutupad sa Pilipinas.

Idinagdag pa ni Padilla na hindi niya maintindihan ang argumento ng ilan na ang ROTC ay makakapigil sa kalayaan, dahil ang ROTC ay tutulong sa mamamayan sa pangangalaga ng kalayaan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author