dzme1530.ph

K+10+2 education system, dapat pang pag-aralang mabuti

Dapat pag-isipang mabuti ang inilalatag na K+10+2 na education system kapalit ng K to 12 system.

Ito, ayon kay Senate Committee on Basic Education chairman Sherwin Gatchalian, ay dahil may pros and cons o buti at samang dulot ang ipinapanukalang sistema.

Habang papabor anya ito sa mga estudyante na nais nang makagraduate matapos ang 10 taong pag-aaral dahil sa kagustuhang makatulong sa pamilya, dapat din anyang matiyak na maibibigay sa kabataan ang nararapat na kaalaman at kasanayan para sa paghahanap nila ng trabaho.

Dito naman anya papasok ang ipinapanukala niyang Batang Magaling Act kung saan titiyaking mabibigyan din ng national certification (NC) ang mga magsisipagtapos ng technical vocational (techvoc) courses sa ilalim ng Senior High School curriculum.

Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ang NC dahil ito ang kadalasang hinahanap ng mga employer na patunay na sila ay may sapat na kasanayan sa kursong kanilang tinapos.

Kailangan din anyang magkaroon ng akreditasyon mula sa TESDA ang mga techvoc courses na iniaalok sa ilalim ng K-12 system.

Aminado ang senador na sa ngayon ito ang nagiging kulang sa curriculum kaya’t hindi natutupad ang pangako ng K-12 na maaari nang magtrabaho ang mga graduate ng techvoc courses. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author