Ipinag-utos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang pagbuo ng task group na kinabibilangan ng prosecutors at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang Extra Judicial Killings (EJKs) sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa Memorandum order no. 778, ang task group na nasa ilalim ng Office of the Secretary ay mag-iimbestiga, tutulong sa pagsasagawa ng case build-up, at kung papayagan, ay magsasampa ng mga kaukulang kasong kriminal sa Korte laban sa mga salarin at sa lahat ng mga sangkot sa EJKs kaugnay ng Anti-Illegal Drugs Campaign ng nakaraang administrasyon.
Salig din ang naturang hakbang sa isinasagawang imbestigasyon ng Quad Committee ng Kamara at Blue Ribbon Committee ng Senado.
Inatasan ni Remulla ang task force na mahigpit na makipag-ugnayan sa Quad Comm, Senate Blue Ribbon Committee, PNP, Witness Protection Program, Commission on Human Rights, at relevant government agencies upang matiyak ang epektibong pangangalap at pagbabahagi ng impormasyon.
Nakasaad din sa memo na dapat maisumite ng task force ang kanilang report sa Kalihim nang hindi lalagpas sa 60-araw mula nang ilabas ang kautusan na may petsang Nov. 4, 2024. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera