dzme1530.ph

Judiciary Marshals Office, pinapopondohan sa Senado

Humiling sa Senado ang hudikatura ng dagdag na pondo para sa pagbuo ng Judiciary Marshals Office alinsunod na rin sa Republic Act 11691 na naisabatas noong Abril 2022.

Sa pagtalakay ng Senate Committee on Finance sa panukalang P14.12-B proposed budget ng Judiciary para sa susunod na taon, sinabi ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva na sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) na mula Department of Budget and Management (DBM) ay P50-M lang inilaan lang na pondo para rito.

Iginiit ni Villanueva na kailangan itong dagdagan dahil sa pagtaya nila ay aabot ng P200-M ang kailangan ng pagbuo ng tanggapan.

Sinabi ni Villanueva na tinatayang 1,000 marshal officers ang dapat na maglingkod sa bubuuing tanggapan para sa inisyal na pagpapatupad ng batas.

Ipaprayoridad aniyang bigyan ng security marshal ang mga key officials ng hudikatura.

Sa ngayon, sinabi ng opisyal na isinasapinal pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Judiciary Marshal Law para sa structure ng bubuuing opisina at mga tauhan nito.

Layun nito na matiyak na mapoprotektahan ang mga miyembro ng hudikatura na kadalasang nagiging target ng mga naapektuhan ng nga desisyon sa mga kaso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author