Nanawagan si Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri sa gobyerno na gawin na ang kaukulang hakbang upang igiit ang soberanya ng bansa kaugnay sa West Philippine Sea.
Sa kanyang privilega speech, inihalimbawa ni Zubiri ang pagsasagawa ng joint patrol kasama ang mga kaalyado ng bansa upang mapigilan na ang panibagong panghaharas ng China sa Philippine Coast Guard at maging sa ating mga mangingisda.
Mariin muling kinondena ni Zubiri ang pinakahuling insidente kung saan binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang Philippine Coast Guard na nasa resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Zubiri na mistulang binobola lamang ng China ang Pilipinas na kunwari ay kaibigan subalit patuloy namang hinaharas.
Binigyang-diin naman ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. sa kanyang manifestation na lubhang delikado ang paggamit ng water cannons upang pigilan ang resupply mission.
Maituturing anya itong banta sa ating seguridad, kaligtasan at soberanya.
Idinagdag pa ni Revilla na nakakaalarma na matapos nilang ipasa ang resolusyon na kumokondena sa harassment ng China ay mistula pang iniinsulto ang bansa sa panibagong pambubully na ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News