Naniniwala si Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na maituturing na suicide o pagpapatiwakal ang gagawin ng Pilipinas kapag pumayag ang gobyerno na makasama ang China sa joint military exercise at joint patrol sa West Philippine Sea.
Una nang kinumpirma ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na nag-alok ng joint military exercises ang China sa bansa.
Bukod dito, may pahayag din si Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na ikinukunsidera ang joint exploration ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea para humanap ng oil at gas.
Sinabi ni Zubiri na masama ang magiging epekto nito sa bansa kung papayag ang gobyerno.
Ipinaliwanag ng senador na malalaman ng China ang mga sikreto ng Pilipinas at posibleng wala pang isang linggo ng pagsasanay ay tapos agad ang boksing kapag ginustong i-take over ng China ang bansa.
Dahil dito, mariing tinututulan ni Zubiri ang anumang kahalintulad na aktibidad na iaalok ng China sa bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News