dzme1530.ph

Isyu ng pagtakas ng grupo ni Alice Guo, nakalkal sa budget deliberations ng Bureau of Immigration

Hindi pa rin matatakasan ng Bureau of Immigration ang mga katanungan sa hindi pa rin nareresolbang pagtakas ng grupo ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo noong Agosto.

Sa pagtalakay sa panukalang 2025 budget, inungkat ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang update sa imbestigasyon partikular kung ano na ang ginamit na eroplano ni Guo nang lumabas ng bansa at nagtungo sa Malaysia.

Sinabi ni Estrada na mahalagang matukoy ang mga detalye ng pagtakas upang mapunan ang mga butas sa batas.

Ayon kay Sen. Grace Poe, sponsor ng panukalang budget, hanggang ngayon ay hindi pa matukoy ng BI ang eroplanong ginamit.

Malinaw na aniya na unang lumapag sa Kuala Lumpur, Malaysia ang grupo pero nakikipag-ugnayan pa sila sa Malaysian Immigration para matukoy ang eroplano.

Aminado si Poe na nakalulungkot na ang Malaysia ang gumagawa ng dapat sanang trabaho ng Philippine authorities. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author