Inumpisahan na ng Senate Committee on Tourism ang pagtalakay sa mga reklamo ng overbooking at iba pang aberya mula sa mga airline companies sa gitna ng pagpapataas ng tourist arrival sa bansa.
Sa kanyang opening statement, sinabi ng chairperson ng kumite na si Senador Nancy Binay na nakalulungkot na nangyayari ang mga aberyang ito sa gitna ng paghimok ng gobyerno na dumami pa ang turista upang makarekober ang bansa mula sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Binay na nakapangangamba na dahil sa hindi magandang karanasan sa mga airline company ng mga pasahero ay posibleng mag-iwan pa ng bad review sa bansa ang mga ito.
Kailangan anyang tukuyin ang solusyon sa problema at makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa taumbayan.
Sa pahayag naman ni Senador Grace Poe, kailangang mabusisi kung pasok pa sa 5% allowable overbooking ang mga airline companies.
Gayundin, kailangan anyang silipin ang sistemang ipinatutupad sa paliparan dahil lahat ng nangyayaring problema ay dapat isisi sa airline companies.
Seguridad naman ng mga pasahero ang tinutukan ni Senador Raffy Tulfo sa kanyang opening statement kung saan pinuna rin ang overworked na flight attendants at piloto dahil sa overbooking.
Ang isyu anya ng overbooking ay pambungad lamang na problema na dapat pang busisiin nang mas malalim.
Nanawagan naman si Senador Bong Go sa Cebu Pacific at iba pang airline company na resolbahin ang lahat ng mga reklamo ng mga pasahero.
Kasabay nito, nilinaw ni Go na suportado niya ang Cebu Pacific at malaki ang kanyang tiwala sa airline company na batay na rin sa kanyang karanasan ay minsan nang 20-30 minutes ahead of time ang kanyang flight.
Gayunman, aminado ang senador na dapat ding tanggapin ng Cebu Pacific ang kanilang responsibilidad sa ilang problema ng rebooking at cancellation ng flights partikular sa mga OFW at mga turistang naapektuhan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News