Isiniwalat ng Department of Justice (DOJ) na naghain si dating Presidential Spokesman Harry Roque ng kanyang counter-affidavit para sa kasong qualified trafficking habang nasa ibang bansa.
Sinabi ni Prosecutor General Richard Fadullon, na ayon sa panel of prosecutors isinumite ng mga abogado ni Roque ang counter-affidavit nito na notarized sa Abu Dhabi.
Kinumpirma ito ng dating opisyal sa pamamagitan ng press conference, sa pagsasabing pinanumpaan niya ang kanyang kontra-salaysay sa Philippine Consulate sa Abu Dhabi, sa United Arab Emirates.
Inamin din ni Roque na wala na siya sa Abu Dhabi at ang kanyang pakay lamang sa pagtungo doon ay para magpa-notaryo.
Hindi rin nito tinukoy ang eksaktong kinaroroonan, subalit ang malinaw ay nasa labas pa rin ito ng bansa. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera