Nais ng isang kongresista na pagkalooban ng 5% discount sa matrikula, school supplies at iba pang gamit sa eskwela ang mahihirap na estudyante sa bansa.
Sa House Bill 1850 ni Bicol Saro Partylist Rep. Brian Yamsuan, sasakupin ng panukalang ito ang mga mag-aaral sa basic education, technical vocational at sa kolehiyo.
Paliwanag ni Yamsuan, ang discount ay para sa pagbili ng libro, pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng isang mag-aaral, kabilang ang diskwento sa entrance fees sa museo, teatro, at cultural events.
Aatasan ang Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority para tukuyin kung sino ang mga kwalipikadong estudyante na makaka-avail sa discount, at sila rin ang mag-iisyu ng ID bilang patunay ng pagiging beneficiary.
Kung tuluyang maging batas ang HB 1850, papatawan ng multa mula ₱20,000 hanggang ₱250,000 at temporary suspension ng license to operate ang sino mang lalabag dito.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, 7.8-m Pilipino o 1 sa bawat 5 Pinoy na edad 5 hanggang 24 na taong gulang ay hindi nakapag-aral noong 2022-2023 dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang ang mataas na gastusin o problema sa pananalapi.