dzme1530.ph

Isa sa mga lokal na kumpanya sa joint venture para sa Halalan 2025, umatras —COMELEC

Inanunsyo ng Comelec na umatras mula sa partnership ang St. Timothy Construction Corp. (STCC) na isa sa tatlong local firms na kabilang sa joint venture na pinangungunahan ng South Korean Miru Systems para sa Automated Election System (AES) na gagamitin sa May 2025 elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na nag-withdraw ang STCC matapos ikabahala ng poll body ang impormasyon na ilan sa umano’y may-ari ng kumpanya ang interesadong tumakbo sa local at national positions sa Halalan sa susunod na taon.

Binigyang diin ni Garcia na hindi nila papayagan na pagdudahan ang integridad ng eleksyon dahil lamang isa sa kanilang contracting partners ang kakandidato sa halalan.

Dagdag pa ng Poll chief, kinailangang mag-withdraw ng naturang partner mula sa joint venture dahil kung hindi ay mapipilitan silang i-disqualify ang partikular na kandidato bunsod ng conflict of interest, para sa malinis, maayos, at tapat na eleksyon.

Ang STCC ang nag-provide ng net financial contracting capacity para sa $17.99-billion contract para sa bagong AES at Automated Counting Machines na gagamitin sa 2025 national and local elections. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author