Nadagdagan pa ang mga senador na sumusuporta sa agarang pagbabalik sa old school calendar.
Ito ay makaraang magpahayag na rin ng suporta si Sen. Ramon Revilla, Jr. sa pakiusap ng mga mag-aaral, magulang, guro at iba pang school personnel na muli nang ipatupad ang Hunyo hanggang Marso na Academic Calendar bunsod ng sobrang init na panahon na nagdudulot ng pasakit at panganib sa kalusugan.
Sa ngayon din naman aniya ay mas marami na ang suspensyon ng face-to-face classes kaya mainam nang ibalik ang bakasyon ng mga paaralan ng Marso hanggang Mayo.
Sinabi pa ng senador na marami na siyang natatanggap na report ng mga estudyante na hinimatay sa school dahil sa sobrang init.
Ipinaalala ng mambabatas na bukod sa pagkatuto, dapat matiyak muna natin ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral.
Tiyak naman aniya siya na may magagawa ang gobyerno upang hindi nasasakripisyo ang kalusugan ng mga bata.
Batay sa pahayag ng PAGASA, ang heat index o ang init na nararamdaman ng isang tao ay maaring pumalo ng 57 °C sa mga susunod na araw na tinatayang nasa lebel na ng “extreme danger” o may matinding pinsala nang maidudulot sa pangangatawan at kalusugan ng tao.
Base rin sa datos, tatagal pa hanggang ikalawang linggo ng Mayo ang matinding init ng panahon bunsod na rin ng El Niño.