![]()
ISINUSULONG ni Senate Committee on Foreign Relations Chairman Erwin Tulfo ang panukala upang suspendihin ang Value Added Tax at Excise Tax sa produktong petrolyo sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Ipinaliwanag ni Tulfo na ang hakbang na ito ay nagtatakda ng malinaw na batayan para sa tulong, lalo na sa mga hindi inaasahang kaganapan sa labas ng bansa na may malaking epekto sa presyo ng langis.
Binigyang-diin din niya na ang panukala ay magsisilbing pansamantalang ginhawa lalo na para sa mga minimum-wage earners.
Ayon sa kanya, kailangang magkaroon ng balancing act dahil emergency ito, at dapat tiyakin na ang kapakanan ng mga karaniwang Pilipino ang prayoridad sa gitna ng krisis.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1935 ni Tulfo na naglalayong amyendahan ang Sections 106, 107, at 148 ng Tax Code, ang VAT sa pagbebenta at importasyon ng langis ay sususpindihin kapag ang average na presyo ng Dubai Crude Oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ay umabot sa 80 USD bawat bariles.
Hangad din ng panukala ni Tulfo na awtomatikong itigil ang pagkolekta ng excise taxes sa langis na ipinapataw sa bansa kapag ang pandaigdigang presyo ay umabot o lumampas sa 80 USD.
