Nadagdagan pa ang mga pulis na nakakulong sa Senado makaraang i-cite for contempt na rin ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si Police Capt. Juanito Arabejo, ang hepe ng investigation ng Navotas City Police Station.
Ito ay nang sumalungat ang kanyang pahayag sa testimonya ng iba pang pulis kaugnay sa pagsasagawa ng paraffin test sa mga kagawad ng PNP na sangkot sa pamamaril kay Jemboy Baltazar.
Una rito, kinastigo ni Senador Raffy Tulfo si Arabejo dahil sa paninindigan na nagdesisyon siyang huwag nang isalang sa paraffin test ang mga pulis dahil umamin na rin naman silang nagpaputok ng baril.
Itinanggi rin ni Arabejo na mayroong atas si dating Navotas City Police Chief Police Col. Allan Umipig na isalang sa paraffin test ang mga sangkot sa pamamaril.
Taliwas ito sa pagpapatunay ng iba pang pulis na kasama sa ipinatawag na emergency meeting matapos ang insidente kung saan inilabas ang direktiba para sa paraffin test.
Sa kanyang pagkastigo, sinabi ni Tulfo na hindi niya mabibigyan ng kahit katiting na respeto si Arabejo at hindi ito nababagay na maging pulis dahil nakakatakot ang kanyang judgement.
Ikinairita rin ni Tulfo ang anya’y ngising aso ni Arabejo habang sila ay nagpupumilit na malaman ang katotohanan.
Todo naman ang panggigigil ni Senador Bato dela Rosa nang makorner na nila ang pagsisinungaling ni Arabejo at hiniling kay Senador Risa Hontiveros na isulong na ang motion para i-cite ito for contempt.
Una nang na-cite for contempt sina Captain Mark Joseph Carpio at Staff Sgt. Gerry Maliban dahil sa kawalan ng kooperasyon sa kumite. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News