dzme1530.ph

Investment capital approval threshold ng Investment Promotion Agencies, itataas sa ₱15-B mula sa ₱1-B sa ilalim ng CREATE MORE Law

Itataas sa ₱15 billion mula sa ₱1 billion ang investment capital approval threshold ng Investment Promotion Agencies, sa ilalim ng CREATE to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Law na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong araw ng Lunes.

Sa kanyang talumpati sa signing ceremony sa Malacañang, inihayag ng Pangulo na ang lahat ng proyektong lalagpas sa nasabing halaga ay dadaan na sa pag-aaral ng Fiscal Incentives Review Board.

Ibinaba rin sa 20% mula sa 25% ang income tax rate para sa mga entitled sa tax incentives, dinoble ang additional deduction sa power expenses, at karagdagang 50% deduction sa tourism reinvestments at trade fair expenses.

Magkakaroon din ng tax exemption sa mga donasyong capital equipment, raw materials, spare parts, o accessories sa gobyerno, GOCCs, TESDA, State Universities and Colleges, at DepEd at CHED-Accredited Schools.

Samantala, bibigyan din ng flexibility ang registered business enterprises na magpatupad ng work-from-home arrangements para sa hanggang kalahati ng kanilang workforce. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author