Bumuhos ang suporta ng iba’t ibang bansa sa Pilipinas matapos ang panibagong water cannon attack ng China sa West Philippine Sea.
Ibinahagi ng Malacañang ang pahayag kaugnay ng pagkabahala ng European Union sa insidente, na nagdala umano ng peligro sa buhay ng tao at banta sa seguridad ng rehiyon, kasabay ng kanilang panawagan sa paggalang sa international rules.
Sinabi rin ni US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson na tumitindig ang America para sa Pilipinas laban sa paulit-ulit na dangerous maneuvers at water cannon attacks ng China laban sa mga barko ng Pilipinas, na labag umano sa international law at maituturing na banta sa bukas at malayang Indo-Pacific.
Nagpa-abot na rin ng suporta para sa bansa ang Japan, Germany, France, United Kingdom, Canada, Australia, gayundin ang Czech Republic, Denmark, Finland, Hungary, Italy, South Korea, The Netherlands, New Zealand, Poland, Romania, Spain, at Sweden.
Mababatid na tatlong sundalong Pilipino ang nasaktan sa pag-bomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa Filipino vessel na maghahatid ng suplay sa barko ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal.